Tuesday, December 12, 2006

Pasiklaban sa Palakasan '06

by Rage Dela Cruz

Kung ang Oktober Fest ay may Musiklaban, sa CLDH ay may “sports pasiklaban!”

Sa ating bansa, ang sports ay maituturing na isa sa mga alternatibo kung saan ay, kahit papaano, maibsan o kundi man tuluyang mapawi ang mga problema at suliranin ng mga mamamayan, gaya ng kawalan ng pagkaka-isa, kalumbayan, at mga suliraning personal.

Sa pamamagitan ng sportsfest, ang CLDH ay naglalayon na humubog ng mga empleyadong nagkakaisa, epektibo, at may tunay na damayan sa isa't isa.

Sa mga nagdaang taon, natunghayan at nasaksihan sa CLDH ang mga kaganapan sa iba't ibang larangan ng sports. Isa na namang napipintong labanan ang inorganisa sa larangang ito ang magaganap sa mga nalalabing buwan ng taon. Lalahukan ito ng mga magigiting na empleyado ng CLDH, mapa-administrasyon man o medikal.

Pangunahin dito ang paboritong laro sa buong mundo: ang basketbol.

Sa pangunguna ni Dr. Richard Pascual at mga katulong na nag-organisa, partikular ang CLDH 4 na siyang grupo na binuo ni Paulo Osongco ng Eye Center, muling magpapasiklaban ang mga kalalakihang empleyado na magpapamalas ng galing, gilas, at sportsmanship sa paglalaro. Ang larong ito ay isa sa mga mabisang paraan upang maipakita ang pagkakaisa, pagbibigayan at diskarte o sa isang salita, “teamwork.”

Ang mga sumusunod ay ang pangalan ng mga kuponan na maglalaban-laban:

  • CLDH 1: NSO
  • CLDH 2: Admin
  • CLDH 3: Eye Center
  • CLDH 4: OR
  • CLDH 5: MedRep 1
  • CLDH 6: CLDH-EI
  • CLDH 7: MedRep 2

Kadalasan, dinadayo din ang CLDH ng mga empleyado na galing pa sa ibang katulad na ospital gaya ng Provincial Hospital, Talon, Ramos, at Jecson. Bukod sa mga tao at pasilidad, nabibigyang kasiguruhan ng ospital ang tahimik, malinis, at ligtas na lugar sa paglalaro. Kaya naman hindi na nagdadalawang-isip ang mga manlalaro na taga-labas na makisali at magpakita ng kagalingan sa paglalaro.

Sa pamamagitan ng sports, magkakakilanlan at malaki ang posibilidad na magkaroon ng ugnayan at magandang samahan ang mga mangagawa ng ospital. Mapaglalapit nito ang loob ng bawat isa. Sa madaling salita, ang “teamwork” ay maipapakita di lang sa paglalaro, bagkus ito’y mahalaga sa mainam na paghahanap-buhay.

No comments: